Monday, October 25, 2010

Eyebags**

Sa kalaliman ng gabi, ang mata ko'y mulat na mulat
Nakatingin sa itaas, puno ng pangamba ang isip
Nais kong sumayad ang inuming pampakalma
Sa aking tuyong lalamunan,
Subalit hindi maaring makapuslit

Dahan dahang ipinikit ang mata
Sabay sa paghiling sa itaas
Na hindi lang lahat ay panaginip,
Na mangyari ang pinapangarap.

Ang kadilimang nababalot sa kalooban
Sana'y mapalitan ng liwanag,
Ng tuwa at kapayapaan
Nang hindi masawi ang kaluluwang naghihinagpis.

Sunday, October 24, 2010

Wit-wiw!

Isa ko sa mga taong naiinis kapag may naririnig akong mga sumisipol o kaya eh babanat ng ‘Hi miss!’ mula sa mga lalaking nakatambay, nasa harapan ng sasakyan o kahit nakasalubong lang. Buti sana kung simpleng bati lang, pero kahit saang angulo tignan, alam nating nakakabastos talaga. Parang may sinumpaang tungkulin na kailangan nilang gawin sa lahat ng oras. Oo na, dahil sa testosterone kaya sila ganoon, pero hindi pa rin tama eh. Kahit yung mga balot na balot eh nakakaranas pa din ng ganoon galing sa mga walang magawa. Ang mas nakagigimbal lang eh pag may na-encounter kang pangyayari na talaga namang WTF. Tulad nalang ng ganito.

Sumakay ako ng jeep pauwi ng bahay. At habang kumakain ng twister fries ay tumawag ng pansin sakin ang mga katapat kong pasahero. Mga kababaihang high school students. Kaparehas nila ang tela ng uniporme ng pinasukan kong paaralan. Maingay silang nagkukwentuhan at nagaasaran. Isa sa kanila ang humarap sa bintana ng jeep at humiyaw sa katabing sasakyan.

“Kuya! Anong pangalan mo?”

Sabay naghalakhakan ang mga kasama. Nang makalampas na ang jeep na iyon, sunod naman sinigawan nung babae yung lalaking sakay ng container van na katabi ng driver. Hindi pa nakuntento, pabirong nilabas ang cellphone at humirit:
“Kuya, anong number mo? Text text tayo!”

At pagkatapos inulit ng katabi niya ang sinabi ng tumapat mulit ang truck sa sasakyan namin. Nakakaloka talaga! Hindi ko alam kung napansin nila, pero nakatingin nalang ako habang inuubos ang pagkain ko. Tawanan silang lahat na magkakasama. Maya maya sumabat na ang isang ale. Mukhang anak ang katabi nito, at ganoon din ang uniporme.

“Alam nyo, hindi kayo igagalang ng mga lalaki. Hindi kayo igagalang sa ginagawa nyong yan. Uso pa naman rape ngayon. Pag natiyempuhan kayo… tapos naka uniform pa kayo, alam na alam na taga-burol kayo.”

Pagkatapos ay humarap ang ale sa katabing matanda at pinag usapan ang nangyari.. Sandaling silang magkakasama at pagkatapos eh tumahimik din. Yung babaeng pasimuno eh biglang naglabas ng headset. Kanya kanyang usapan, at halatang may pupuntahan pa sila. Ramdam ko kung gaano sila napahiya nung pinagsabihan sila nung ale.

Alam naman ng iba kung anong gagawin. Pero sa mga katulad nila, konting pangangaral lang siguro, tutal naman eh isip bata pa sila.